Wednesday, September 10, 2014

Pagkakaisa tungo sa hangad na Kaunlaran

Pagkakaisa tungo sa hangad na Kaunlaran
                              Maraming iba't ibang dayalekto ang ginagamit sa bawat sulok ng bansang Pilipinas na nagbubunsod ng hindi pagkakaintindihan at pagkakaunawaan. Ngunit sa pamamagitan ng Wikang Filipino, ang itinuturing nating Pambansang Wika, nagkakaroon ng pagkakaisa, pagkakaisa tungo sa kaunlaran ng ating Inang Bayan. Wala na tayong ibang aasahan pang magpapayaman nito kundi tayo tayo ring mga Pilipino kaya't marapat na ito'y isapuso at gamitin saanmang panig ng mundo.

                             Ang Wikang Filipino ang nagpamulat sa ating kamalayan at gumising sa ating damdaming maka-Pilipino. Walang masama sa kagustuhan nating matuto ng ibang wika subalit dapat na lagi nating pakatandaan na unahing pag-aralan ang wikang atin sapagkat sa tulong nito, nagkakaroon ng pagkakaintindihan at pagkakaisa. Naipapahayag natin ang ating damdamin ng mahusay sa pamamagitan nito at nagiging mas mabisa ang ating pakikipagtalastasan sa patuloy na paggamit nito. Ang pagtalikod sa Wikang Filipino ay nangangahulugan ng pagtalikod din sa bayang mula pagsilang ay kinamulatan mo. Kung tayo ay magbabalik tanaw, noong una ay nahirapan ang ating mga bayani sa pagkamit ng kalayaang ngayo'y tinatamasa ngunit sila ay nagkaisa sa isang adhikain: ang makalaya mula sa malupit na kamay ng mga Kastila at naging mahalaga ang papel ng Wikang Filipino sa pagkamit nito sapagkat dahil sa wikang ito, sila ay nagkaintindihan at nagkaunawaan at sa huli ay nagbuklod-buklod at nagkaisa hanggang sa tuluyang makamit ang kalayaan ng ating bansa. Ito lamang ang isa sa mga patunay na ang Wikang Filipino ang Wika ng Pagkakaisa. Dapat ay matuto tayong harapin ang katotohanan, katotohanan na ang hinaharap ng isang bansa ay batay sa kapasidad ng mga mamamayan sa pagkatuto sa sariling wka sapagkat, nagkakaroon ng pagkakaisa, pagkakaisa para sa layuning pag-unlad.



                   Ang Wikang Filipino ay Wikang Panlahat kaya't ito ay gamitin natin magpakailanman. Kaloob ito ng Diyos sa atin upang tayo ay magkaunawaan at magkaintindihang mabuti. 

No comments:

Post a Comment